May mga bagay minsan na inaasahan mo sa isang tao. Yung gusto mo'y sana sumagi sa isip niya. Yung pinapangarap mo na sana sabihin niya. May mga bagay tayo minsang hinihintay na maramdaman ng isang tao. Ngunit ang buhay ay hindi perpekto, kahit na ako, at hindi lahat ng pinapangarap ko ay makukuha ko.
Minsan, nahanap mo na yung taong mahal na mahal ka, pero hindi maiwasang maging masaya pa rin sa pagpapahalaga ng iba. Nakita mo na yung taong mahal mo, ngunit sa maling araw at pagkakataon. May pangyayari sa buhay natin na sadya lamang talagang madaya. At minsan pa, may taong darating sa buhay mo na aakala-in mong siya na nga ay para sa iyo, ngunit dahil sa mapaglarong tadhana ay malalaman mong ikaw ay mas liligaya pa pala sa piling ng iba.
Totoo ngang hindi natin hawak ang bukas. Pwedeng ngayon ay masaya ka, bukas hindi na. May mga bagay na hindi natin maiwasan na mangyayari at mangyayari pa rin. Pwedeng ngayon mahal ka niya, bukas napalitan ka na. Sinong makapagsasabi? Paano mo maipapaliwanag ang kabalintunaan ng pag-ibig?
Samakatuwid, tayo ay sumusulong na lamang sa agos ng buhay. Nakikisama sa takbo ng mga pangyayari at sumusunod sa sigaw ng damdamin. Minsan ay mahirap pakinggan ang tunay na laman ng puso at isipan, ngunit sa di kalaunan ay nahahanap mo rin ang sagot sa lahat ng katanungan. Maaring hindi lahat ng ito ay tama, o nararapat, pero madalas ay iyon ang tingin mong tunay na magbibigay ng kaligayahan sa buhay mo o sa taong mahal mo.
No comments:
Post a Comment